Haaayyy... Sa hirap at saya ng biyaya ng buhay tsak mapapasabi ka na lang nyan... Sa araw araw na pagbangon natin ay may hinahandugan tayo nito na syang pilit nating pinagpapaguran at pinagpapawisan makita lang ang walang kaparis nilang ngiti... Pero di laging pasko na syang inuulan tayo ng swerte sa bawat pagbangon natin, minsan maluluha na lang ang mga matang tila nagsasabing, 'paano na sila?'...
At syempre walang kinalalaman yun sa kwento ko (biro lang)...
Isang umaga noon, pupungas pungas at wala ako sa wisyo para bumangon at pumasok sa mag-aalay sa akin ng magandang kinabukasan, nang biglang matauhan dahil sa oras na kikitil sa aking mga pangarap dahil mahuhuli na naman ako sa klase. Konting buhos, sabon, punas, inom ng kape at bihis at handa na naman uli ako sa panibagong gera na naghihintay sakin.
nagmamadali akong sumakay ng tricycle at bumaba para lang mahabol ung jeep na maghahatid sa akin. Sa likot ng mga mata ko habang nagmamadali ay biglang nawala ang pagkataranta ko at napalitan ito ng ngiti... Nakita ko si manong na 'barker' na may hawak na 'Tablet' ( ang makabagong gadget ng panahon na impluwensya ng teknolohiya) habang nagtatawag ng pasahero... Partida nakatingin pa sya sa screen at naglalaro ng 'candy crush' habang nagatatawag ng pasahero kahit di nya nakikita ang mga rutang dadaanan nito (nga naman, sa tagal ko sa trabahong ganun di pa ba ako masasanay?). Habang humahagalpak ng tawa ay bigla akong napaisip na, 'siguro malaki ang kinikita ng mga barker, biruin mo nakapundar sya ng tablet... Pero gulagulanit pa rin ang kasuotan nya? Payat at tila walang sustansyang naiaambag ang pagkain.
Dahil sa sitwasyong aking nasaksihan, tila sumabulat saking isipan na 'kahit anong hirap na dinadanas natin sa buhay mairaos lamang ang ating kagustuhan kontra sa tunay na pangangailangan ay ayos na!'
Totoo yan, wala tayong iniindang problema dahil naiibsan ito ng ligaya na syang natamo natin... Sa panandalian panahon nga lang... Bawat segundong natatakpan ng limot ay lalong lumalala ang sitwasyon, at malalaman na lang natin sa bandang huli na mas kailangan pala natin ang mga bagay na tinalikuran natin noon.
Lahat naman tayo ay nadadala ng galak o tukso na maari nating maranasan sa oras na makita na natin ang kagustuhan, pero di ginagamit ang matalinong desisyon na syang may hawak sa kung anong pwedeng mangyari pa sa hinaharap. Purong panadaliang kaligayahan na syang kay bilis din pagsisihan.
Balikan natin ang buhay ni manong... Maraming dahilan siguro? Kaya sya mayroon tablet. Maaring di sya pamilyado at tangin sarili na lang ang inaasahan at itinataya ang kumakalam na sikmura para lang sa Candy na pinagpapares ang kulay (o baka malaki talaga ang kita sa pag-babarker? Makapag barker na lang kaya?). O isa syang pamilyado na may mayamang asawa...
Hindi ko naman minamaliit ang mga may ganung klaseng pamumuhay, ang iniisip ko lang eh, sa ganung kalagayan ay mas nanaisin ko pa bang magpipindot? Kaysa isipin ang maaring hirap namingRanasin?
Ang mga sikmurang kumakalam at ang pagaasa nilang hinihintay ay tila nababali wala dahil sa lintik na piraso ng kasiyahan. Lahat tayo ay may karapatang lumigaya, pero iba ang ligaya kapag wala ka nang problemang iniinda...
Kainis late na naman ako sa klase...
No comments:
Post a Comment